●▬๑۩RAVI۩๑▬●

Isang taon na akong nakatira sa mundo ng mga tao. Isang taon mula nang mapatapon ako mula sa Enca Majica dahil sa kasalanang hindi ko na mababawi.

Akala ko noong una, katapusan na ng lahat—kapangyarihan, pangalan, at ang mundong dati kong ginagalawan. Pero mali ako. Ang parusa ay hindi pagkitil ng lahat, kundi pagtuturo kung paano mabuhay sa katahimikan ng mundong hindi akin.

Nakatira ako ngayon sa bahay nila Paris. Isang simpleng tahanan sa gitna ng ingay ng siyudad, ngunit dito ko natutunang mamuhay nang tahimik. Hindi madali noong una—maraming bagay na hindi ko maintindihan, at maraming pagkakataon na muntik ko nang mabunyag ang aking kapangyarihan.

Buti na lang, kasama ko ang nagpalaki kay Paris— ang kanyang kinikilalang magulang, pati na rin si Pia. Sila ang tanging mga tao sa mundong ito na nakakaalam ng buong katotohanan. Sila ang gabay ko—ang nagpapaalala sa akin na huwag magpadala sa bugso ng damdamin, at sila rin ang nagtatakip tuwing may kakaibang nangyayari.

Minsan, kapag malakas ang ulan at bumabagyo, lumalabas ako sa dilim ng gabi. Doon ko pinalalabas ang kulog at kidlat mula sa aking katawan, isinasabay ko sa unos ng kalikasan. At sa bawat pagsabog ng liwanag sa langit, walang nagtataka — dahil ang lahat ay iniisip na gawa lamang iyon ng bagyo. Napapangiti ako, sapagkat sa ganitong paraan, malaya akong nagiging ako nang walang sino mang makakaalam.

Hindi ako itinapon para mabulok dito. Alam kong may dahilan ang lahat ng ito. Ang kulog ay hindi kailanman nananahimik, at ang kidlat ay palaging naghihintay ng tamang sandali upang kumawala.

At sa muling pagdagundong ng kulog, isang bagong kwento ang isisilang. ⚡

Previous
Previous

●▬๑۩PARIS۩๑▬●